Archive for July, 2005

May Arte rin and Pagtanggap ng Di Sapat na Sahod

Monday, July 18th, 2005

May Arte rin ang Pagtanggap ng Di Sapat na Sahod

ni: Ferdinand Pisigan-Jarin

Hubad ang kanang kamay

Hintaying lumapag and malamig na pera.

Huwag ng mag-abala pang ungutin ang katambal

na peyslip dahil tiyak namang wala

Ito’y batay na rin sa karanasan.

At dahil ganito muli ang nangyari,

Ipasok dahan-dahan, nang hindi napapansin ng nag-abot,

and kaliwang kamay sa iyong kaliwang bulsa.

Unti-unting lamukusin sa loob nito

ang nauna nang ginawang listahan ng mga bibilhin

(dahil patuloy ka pa ring umaasang magbabago rin ang ihip ng hangin),

na alam mong di magagmit.

At muli’y dedepende ka sa sariling diskarte:

Bonna magiging am.

Pampers magiging lampin.

Wafers magiging tigpi-pisong otap.

Repolyo patatas magiging repak pampinakbet.

Isang kilong baboy magiging kalahati.

Ang Tender Juicy mawawala

at dadagdagan ng dalawang supot ng toge at isang kilong talong

pamparami ng dating.

Siguradong matatapos ang pamimili’y bitbit mo na ang supot

ng alternatibs.

Hinding-hindi dapat kalimutan na itira ang pambili ng hinyebra,

ang inuming magdadala sa ‘yo ng alaala na katatapos na pagtuturo.

Siksik,liglig at patuloy na umaapaw na trabaho.

Inuming magpapabago ng lasa ng pinakbet na sinasawaan mo na.

At higit sa lahat, inuming may matigas na boteng

gusting-gusto mong ipukpok

sa nagpapasuweldo sa’yo.

Aklas

Kalipunan ng mga akdang pampanitikan ng

The Torch Publications